Thursday, May 4, 2006

Sa Saliw ng Alcohol

Sa Saliw ng Alcohol

Mamili ka.... Redhorse, colt, san-mig, san-mig light, gin (a.k.a. markang demonyo), grandma, BnB, o Emperador (a.k.a emperaning)... Kung tumador ka na laging tambay sa inuman at hindi taong bundok e sigurado akong alam na alam mo na kung anong uri ng inumin ang mga ito at kung ano ang lasa. Iba't-ibang brand, iba't-ibang epekto pero nasasayo kung anong uri ng toma ang nais mong pumatid sa lalamunan mong natutuyot at kung anong uri ng serbesa ka mapaiindak sa saliw ng alcohol.

Kamakialan lang e nakadalo na naman ako sa isang inuman session ng isang malapit na kaibigan. Matagal na rin namang hindi nasasayadan ang labi ko ng mapait na inumin pero ginugusto ko pa ring tunggain.Highschool ako nang magsimula kong pasukin ang mundo ng paginom ng alcohol dahil na rin siguro sa curiousity at anyaya ng mga kaibigan. Wala namang masama kaya sinubukan ko. Abo't ng baso, titingnan kung ano ang kulay ng laman, hinga ng malalim sabay tungga. Grrr!!! Ang pait at hindi ko talaga nagustuhan yung ininom ko. Para'ng ayoko nang tumira pa nang isang round pero ewan ko ba dahil pagkatapos ng isang iko't e parang namagnet ang kamay ko ng baso at inabo't ito sabay tungga ulit. Ang Pait at parang may dumaloy na koryente sa lalamunan ko. Gwark!!! Ang sama ng lasa ng tinuturing nating pinakamasarap na inumin sa mundo.

Kung tatanungin mo ang isang manginginom kung bakit parang mahal nya pa ang bote ng gin kesa sa asawa nya, ang makukuha mong sagot ay hindi nalalayo sa sagot ng isang pangkaraniwang estudyante na mas gugustuhin pang magsession kasama ang tropa kesa ang magadvance study. Nakakaurat pero ang tunay daw na dahilan kung bakit nag-iinom ang isang tao ay para pansamantala nitong epekto- ang kalasingan.

Ilang beses ko nang naexperience ang malasing pero hindi ako yung isang sugapang tao na walang ginawa kung hindi ang lumaklak ng toma. Occational drinker ako at sa tuwing may occation ay otsenta porsyento ay lasing ako. Ano nga bang meron ang mundo ng isang taon lasing at gustong-gusto itong puntahan ng karamihan? Hindi ko madetalye kung anong pakiramdam ng isang lasing dahil sa tuwing nalalasing ako ay mangingilan-ngilang alaala na lamang ang naiiwan sa memorya ko na natatandaan ko.
Pero ayon na rin sa mga nakakasaksi sa mga kabulastugan ko e isa raw akong balahurang nilalang pag ako'y nasaimplewensya ng alak. Madaldal, nagiingles na parang kanong hilaw, pasaway, puno ng sintimyento sa buhay.Pero hindi lahat ng lasing ay ganito ang asta. Ang iba tahimik lang at bigla nalang tumutumba, may mga nilalang na parang sinapian ni Hitler na ang lahat ng makita ay hinahamon, at mga taong nagiging instant performer at lumilikha ng sariling live concert. Sa tatlong nabanggit ko e mas masayang kasama yung naglilive concert dahil may libreng entertainment


Maliban sa "tamang" epekto nang alcohol e mas interesante ako sa mga istorya sa likod ng mga tagayan ng baso ng umiikot sa mga nagiinuman. Higit na mas magandang isipin yung mga kadahilan kung bakit nga ba umiinom ang isang tao. Ito ba ay dahil sa kasiyahang hatid nito, pampalipas oras, selebrasyon para sa isang tagumpay, o isang pansamantalang gamot para sa pagkabigo. Pansin ko lang na karamihan nang inuman na dinadaluhan ko ay para magsaya pero higit akong naeenganyong samahan ang mga taong tumoma dahil sa problema. Bakit nga ba unang pumapasok sa isipan ng isang taong bigo na gamot ang bote ng alak? Dahil ba sa mapait ito tulad ng gamot kaya may kakayahan itong hugasan ang sakit sa puso at damdamin ng isang luhaan? Bakit marami pa ring tao ang umaasang kayang lunurin ng alak ang problema? Minsan ka na rin bang tumungga at malunod ng mga serbesa?

Isa rin sa nakakatuwang epekto ng alak ay ang kawalan ng kontrol ng mga taong nasa impluwensya nito.
Sa parteng ito ay kalimitang nagkakaroon ng palitan ng mga salita na dapat na wag nang sabihin pero nabibitawan ng aksidente. Dito pumapasok yung biglaang proposal, labasan ng mga hinanakit, paglalabas ng sikreto at bistuhang walang katapusan. Kamakailan nga lang e isang kaibigan ang nagsabi sa akin ng pananaw nya tungkol sa akin habang nagsesession. Oo, hindi sangayon sa akin kung ano man ang sinabi nya ukol sa pananaw nya sa katauhan ko. Negatibo pero hindi naman sumama ang loob ko. Buti nga at sinabi nya sa akin yon dahil napaisip din ako na baka hindi lang sya ang tingin sa akin ay ganon. Nagkalat ang mga taong lagi kong nakakasalamuha. Baka may bagay din silang napupuna sa akin na dapat ko nang baguhin. Mahirap kasi yung nakakalimutan mong tumigil panandalian at tumingin sa salamin kung sino ka nga ba. Kung ano na ba ang tingin ng mga tao sa paligid mo tungkol sa kasalukuyan pagkatao mo.


Kung gusto mo namang makaexperience nang pangmaala-ala mo kaya na kwento ay subukan mong uminom kasama ang isang heartbroken, natanggal sa trabaho, iniwan ng pamilya, namatayan ng asawa, naubusan ng pera, at taong tumama sa lotto pero nakalimutang bumili ng ticket. Siguro nga, ang tunay na kadahilanan kung bakit inimbento ang mga nakakalasing na inumin ay para bigyan ng lakas ng loob ang isang taong may kinikim-kim na hinanakit sa sarili, sa mundo, sa ibang tao. Hindi ko man kayo mapipilit na sumangayon pero sa tingin ko ay nakakapagpaluwag ng dibdib ng isang taong lasing kung siya ay magsisiwalat ng problema sa katagayan nya ng hindi iniisip kung ano ang sasabihin ng ibang tao. Nagagawa nyang umiiyak ng walang magsasabing sya ay mahina. Wala pipigil sa kanya na manisi sa mga problema na nararanasan nya at higit sa lahat, wala syang pake kung may kabuluhan ba para sa kausap nya kung ano man ang kanyang pinagsasabi. Basta't maligaya syang inilaladlad kung ano man ang gusto nyang pasabugin ay buong detalye nya itong gagawin.

Pero dahil nga sa hindi perpekto ang taong nasa likod ng panggawa ng alcohol ay hindi rin perpekto ang produktong ito. Ang gamot para sa emosyonal na sakit ay mawawalan ng bisa pagkatapos na ilang oras. Ang mundo ng taong nagpaepekto sa alcohol ay muling iikot, gugulong tulad ng dati, babalik ang mga kadahilanan kung bakit kailangan nyang uminom ng alak na parang nagdrodroga. Sa mga puntong ito, hanggat hindi nya naiintindihan ang solusyon sa sakit na kumukurot sa kanyang pagkatao ay muli nyang hahawakan ang bote at paulit-ulit na magsasayaw sa saliw ng alcohol.

Readers who read this page, also read:




Bookmark and Share My Zimbio http://www.wikio.com

0 comments: