Monday, November 14, 2005

Paciano: Ang Limot na Rizal


PACIANO: ANG LIMOT NA RIZAL
Daniel Mendoza Anciano

Ang taong 1996 ay idineklara ng ating pamahalaan na Taon ng Mga Bayani at ang kulminasyon ng nasabing aktibidad ay masesentro sa pagunita ng sambayanang Filipino sa sentenaryo ng kamartiran ni Dr. Jose P. Rizal. Isang indibidwal na nag-alay ng kaniyang buhay para sa katuparan ng kaniyang bisyon na magkaroon ng kagalingan para sa kaniyang mga kababayan sa pamamagitan ng pagpapairal ng mga reporma sa noon ay kolonyal na pamahalaan ng Espanya sa bansa. Sa kabilang dako, ang pagdakila ng sambayanang Filipino kay Rizal ay nagsilbing isang trahedya, sa isang lalaking tunay na nasa likuran ng kaniyang buhay at kabayanihan na natabunan ng kaniyang maningning na kasikatan - ang lalaking ito ay si Paciano Mercado, ang limot na Rizal.

Mayroong dalawang kontensiyon ukol sa pagiging pigurang historikal ni Paciano; Una naging sikat si Paciano dahilan sa kapatid siya ni Rizal; pangalawa, naging sikat si Rizal, dahilan sa naging kapatid niya si Paciano. Sa dalawang magkasalungat na kontensiyong ito, wala akong pangingimi kahit isang sandali na piliin ang huli. Ang manunulat ng biograpiya ni Rizal na si Leon Ma. Guerrero ay napuna ang pagkalimot kay Paciano Mercado at ipinahayag ang ganito "Ang papel na ginampanan ni Paciano sa buhay ni Jose ay nangangailangan ng higit na atensiyon kaysa sa kaniyang dapat na matanggap". Ang artikulong ito ay naglalayon na bakasin ang kritikal at mapagpasiyang na papel ni Paciano sa kamulatan ng kaniyang nakababatang kapatid, kung papaano niya inihatid si Rizal sa kalagayan bilang isang pambansang bayani, at kung papaano nilandas ni Paciano ang isang ideolohiya at pagkilos pulitikal na kailanman ay hindi pinangahasang landasin ng kaniyang higit na tanyag na kapatid.

Si Paciano sa Panahon ng Liberalismo

Ang taon ng pag-aaral ni Paciano Mercado sa Colegio de San Jose ay napanahon sa pagbagsak ni Reyna Isabel II ng Espanya na naging dahilan sa pangingimbabaw ng liberalismo hindi lamang sa Espanya kundi maging sa Pilipinas. Ang panunungkulan ni Carlos Ma. de la Torre bilang gobernador heneral sa Filipinas ay nagbigay daan sa kaluwagan pulitikal, na-organisa at aktibong kumilos ang Komite ng mga Anak ng Bayan na binubuo ng mga Filipino at mga liberal na Espanyol, at ang pagsikat ng isang paring sekular na nagngangalang Jose Apolonio Burgos. Ang mga kaanib ng bagong gitnang uri ay naging agresibo na isulong ang interes na dinadala ng pangkat panlipunan na kanilang kinabibilangan, pangunahin dito ay usapin ng kanilang paghahangad ng kapantayan sa mga Espanyol na noon ay may monopolyo sa mga matataas na puwesto sa kolonyal na burukrasya at simbahan.

Pagkakataon o tadhana, na sa panahon ng pag-aaral ni Paciano Mercado ay nakasama niya si Burgos na manirahan sa ilalim ng iisang bubungan. Ang pagiging malapit ng dalawa ay mapapansin sa salaysay ni Dr. Paz Policarpio-Mendez. May pagkakataon na naisasama ni Paciano si Burgos sa pagbisita sa kaniyang mga kapatid na babae na nag-aaral din sa Maynila, gayundin may pagkakataon na bumisita si Burgos kasama si Jacinto Zamora sa bayan ng Calamba sa paanyaya ni Paciano upang dumalo ng piyesta at doon nakita ni Jose Burgos ang batang kapatid na lalaki ni Paciano na kaniyang kapangalan". Ang pagiging malapit ni Paciano at Burgos ay isang indikasyon lamang ng kanilang pagiging iisa ng opinyon at interes.
Tahimik man ang mga aklat kasaysayan sa lalim at antas ng kamalayan na naipunla ni Burgos kay Paciano, ngunit ang apelyidong Mercado bilang isang aktibistang mag-aaral ay napahanay sa mga pangalang Buencamino, Sanciangco, Mapa. Soriano, Tizon, Alejandro at iba pang mga anak ng nakakariwasang Filipino na kabilang Juventud Escolar Liberal na naging aktibo at nangahas na nagdaos ng demontrasyon ng mga mag-aaral sa Maynila (na hinihinalang lihim na pinamumunuan ni Burgos).

Masakit ang naging hagupit ng tadhana para kay Paciano, bago matapos ang 1871, muling nabalik ang mga reaksiyonaryo sa pamahalaan at sa unang buwan ng 1872 naganap ang Pag-aalsa sa Cavite at sa sumunod na buwan, Si Burgos, ang lalaking kaniyang kasama, kausap, at kapalagayan loob ay nilatiran ng hininga ng kaniyang mga hayagan at lihim na kaaway sa andamyo ng bitayan ng Bagumbayan.

Si Paciano Bilang Magsasaka

Ang pangyayari ng 1872 ay nagsilbing isang balakid sa pagpapatuloy ng edukasyon ni Paciano. Pagkatapos ng trahedya, iniwan niya ang paaralan at nagbalik sa Calamba upang pangasiwaan ang lupain na inuupahan ng kanilang pamilya mula sa mga prayleng Dominikano. Pagkatapos ng pagbitay sa GOMBURZA, ginugol ni Paciano ang kaniyang panahon sa pagsasaka ng kanilang inuupahang bukirin at higit sa lahat sa pagbubungkal ng higit na mapangakong sakahan - ang kaisipan ng kaniyang kapatid.

Sa pag-uwi ni Paciano sa Calamba, nagtagubilin ang kaniyang ama ukol sa dalawang salita na hindi maaring banggitin sa kanilang tahanan - Burgos at Cavite. Sa kabila ng pagbabawal, naandoon ang pagkakataon ng pakikipagkuwentuhan sa kaniyang nakakabatang kapatid at naitanim niya ang binhi ni Jose Burgos sa matalas na isipan ng kaniyang batang kapatid, pagkukuwentuhan na ganap na nagpabago ng kahahantungan ng ating kasaysayan - binuhay ni Paciano ang ideya ng kaniyang kaibigan at kasamang si Jose Burgos sa katauhan ng kaniyang nakakabatang kapatid na si Jose Rizal.

Ang Pagsubaybay sa Edukasyon

Isa si Paciano sa nakapansin sa talino ng kaniyang kapatid, marahil ang _eksepsiyonal_ na katalinuhang taglay nito ang nagtulak upang mahinuha ni Paciano na ang kaniyang batang kapatid ay mayroong mapagpasiyang papel na gagampanan sa kasaysayan. Kung mayroon mang naging malaking interes si Paciano para sa kay Rizal ay ang mabigyan ito ng tumpak at progresibong edukasyon.

Sa kasaysayan ng pag-aaral ni Rizal ay makikita na laging nakabuntot sa likuran ang anino ni Paciano sa likuran. Unang-una na sa kaniyang pagpapatala Jose Rizal sa paaralan ni Justiniano Aquino Cruz, na kaniya ring naging dating guro sa Bi_¤"an. Sa kolehiyo, mapapansin ang pagsama niya sa kaniyang kapatid upang magpatala sa Ateneo at ng hindi matanggap si Rizal dahilan sa pagiging huli sa patalaan at kaliitan, hiningi niya ang tulong ni Manuel Xerxes Burgos upang ito ay matanggap sa nasabing paaralan.

Sa pagtatapos ng kolehiyo, ang matinding pagtutol ng ina ni Rizal sa pag-aaral sa Unibersidad ng Santo Tomas ay sinalungat ni Paciano, maging si Rizal ay kaniyang sinabi "Ngunit ang aking kapatid (Paciano) ay isinama ako sa Maynila sa kabila ng luha ng aking ina". Pagkatapos ng ilang taon sa Unibersidad , si Paciano ay gumawa ng paraan upang lihim na makaalis si Rizal patungo sa Espanya upang magpatuloy ng pag-aaral, at sa pamamagitan ng pensiyon na ipinadadala ni Paciano ay nai-agdong ni Rizal ang kaniyang pag-aaral ng medisina at pilosopiya sa Europa.

Kung ano ang dahilan ng pagpapakasakit ni Paciano para sa edukasyon ni Rizal ay mapapansin na sa kaniyang mapagpahiwatig na sulat dito:

."Tandaan mo na ang pangunahing dahilan ng iyong pag-alis ay hindi ang pagpapabuti ng iyong sarili sa propesyong iyon (medesina), bagkus ay para sa higit na kapaki-pakinabang na bagay"

Ang Lalaki sa Likuran ng Isang Nobela

Ang kadakilaan ni Rizal ay matatagpuan sa kaniyang pagsulat ng isang nobelang panlipunan na pinamagatang Noli Me Tangere, ang nobela ay utang natin sa kakaibang katalinuhang pangliteratura ng may-akda, sa malinaw na paglalarawan at pagsasalamin ng mga sakit ng lipunang kolonyal sa kaniyang panahon. Gayundin nagpasalamat ang kasaysayan kay Ginoong Viola na nagpahiram ng kaukulang salapi upang mailigtas ang nobela mula sa disulusyonadong balakin ng may-akda na gawing panggatong sa apoy ang manuskrito ng nobelang nagpabago ng tunguhin ng kasaysayan, ngunit nalimutan ng kasaysayan na pasalamatan ang dalawang tunay na pinagkakautangan ng nobela. Una, ang lalaki na tunay na gumastos sa pagpapalimbag ng nobela - si Paciano. Ang salaping ginamit sa pagbayad sa utang ng pagpapalimbag ng nobela ay galing sa pagod at pawis ng nakatatandang kapatid ng may-akda at; Pangalawa, tahimik ang kasaysayan sa pagbanggit (at pagpapasalamat) na ang salaping ginamit sa pagpapalimbag ng Noli Me Tangere ay nanggaling sa mismong mga bunga ng lupa ng Filipinas na noon ay binubusabos ng mga mapagsamantalang dayuhan.

Ngunit ang pagbabayad ni Paciano mahal na presyo ng nobela ay hindi lamang sa sukatan ng salapi higit sa lahat, sa sakripisyo na kaniyang tiniis. Ang sulat ni Rizal kay Paciano ay nagpaliwanag ng ganito :

Ukol sa presyo ng libro, nagkamali ako sa aking pagtantiya, Akala ko sa 1500 na kopya ay gugugol lamang ako ng P200 ngunit sa mga limbagan ito ay aabot pala ito ng halagang P 1,500... Hindi ako humihiling ng ganitong halaga; Alam kong napakalaki nito para sa isang aklat na maaring maghatid sa inyo ng higit na kapighatian kaysa sa kaligayahan.
„_„_

Sa pagsagot ni Paciano sa sulat ni Rizal ay nagpadala ito ng P 1,000, nais pa nga nito na magpadala ng higit ngunit ang asukal ay hindi pa nabibili Nagkaroon ng katuparan ang sinabi ni Rizal "Alam kong .... isang aklat na maaring maghatid sa inyo ng higit na kapighatian kaysa sa kaligayahan" dahilan sa ang pinakamalaking kabayaran na binata ni Paciano sa aklat na sinulat ng kaniyang batang kapatid ay ang paalisin ang pamilyang Rizal sa kanilang inuupahang sakahan ng mga Dominikano, at sunugin ang kanilang bahay sa Calamba at ipatapon si Paciano sa Mindoro, mula Septyembre 1890 hanggang Nobyembre 1891.

Ang Liberalismo tungo sa Radikalismo

Ang pagiging progresibo ni Paciano ay matatagpuan hindi lamang sa kaniyang pagsuporta sa kaniyang kapatid kundi maging sa kilusang propaganda, isa siya sa mga tagasuporta ng Diariong Tagalog, La Solidaridad at sa bandang huli ay tagasuporta ng Katipunan at isa sa mga aktibong nagpalaganap nito sa lalawigan ng Laguna.

Sa pagkabilanggo ng kaniyang kapatid noong 1896, si Paciano ay dinakip at ikinulong ng mga Espanyol at pisikal na pinahirapan ngunit ito ay kaniyang pinagtiisan upang hindi maisangkot ang kaniyang kapatid sa rebolusyon.

Ilang araw pagkatapos ng pagbitay kay Jose Rizal, natagpuan ni Paciano ang kaniyang sarili, kasama ng isa kaniyang kapatid na si Trinidad, at ng kaniyang hipag na si Josephine Bracken na binabagtas ang lalawigan ng Cavite na noon ay sentro ng Rebolusyong Filipino. Habang tinatawid nila ang tulay ng Zapote na hangganan ng Las Piñas at Cavite, mararandaman na hinuhubad na ng mga Rizal ang kanilang paniniwala sa reporma at niyapos na ang doktrina ng armadong pakikibaka para sa katubusan ng bayan mula sa kuko ng kolonyalismo.

Sa panahon ng himagsikang Filipino, si Paciano ay naglingkod bilang heneral ng rebolusyonaryong hukbo, nagpakita ng tapang, lideratura, at inpluwensiya sa tunguhin ng himagsikan. Ngunit ang pinakadakilang panahon ng kaniyang pamumuno ay naganap noong buwan ng Hunyo 1898. Isinalaysay ni Antonino Guevara y Mendoza sa kaniyang talatakdaan ang pangyayaring ito:

Pagkatapos ng anim na araw ng patuloy na paglusob, bumagsak ang Calamba, at ito ay kinubkob ni Senyor (Paciano) Rizal. Samantalang isinusuko ng mga talunang Espanyol ang kanilang mga sandata sa mga nagwaging Filipino, ang komandanteng Espanyol ay lumapit kay Senyor Rizal at nagwikang "Ako ay tiyak na babarilin ng aking mga nakakataas sa Maynila dahilan sa pagsuko. Ngunit, ang mga prayleng ito na inyo ngayong mga bihag ang maaring makapagligtas sa aking buhay. Nakikiusap ako na iligtas ang buhay ng mga prayle, at kung maari, ay mapanatili ko ang 11,000 piso na nasa aking pag-"iingat " Sumagot si Senyor Rizal na "Ingatan mo ang 11,000 piso at sumasang-ayon ako sa iyong pakiusap na iligtas ang buhay ng mga prayleng ito; sa kondisyon, na ipaalam mo sa kanila, na sila ang mga tunay na pumatay sa aking kapatid na si Doktor Rizal, at higit sa lahat, sila ang mga tunay na nasa likod ng pagwasak ng Calamba na aking tahanang bayan.""

Sa ganitong pagkakataon, ipinakita ni Paciano ang pagpapakumbaba sa harap ng tagumpay, at ang kahinahunan sa kabila ng silakbo at mapanuksong paghahangad ng paghihiganti, bagay na hindi niya nakita kahit kapiraso mula sa mga prayle noong pinipilipit ng garote ang leeg ni Burgos o nang tinutudla ng bala ang katawan ng kaniyang kapatid. Ipinakita ni Paciano na hindi siya ang halimaw na rebolusyonaryong kinatakutan ni Rizal ng kaniyang banggitin sa El Filibusterismo ang katagang A que la independencia, silos esclavos hoy, seran los tiranos de mañana - Para ano ang kalayaan, kung ang alipin ngayon, ang siyang maninikil bukas.

Pagkatapos ng pagkapanalo ng himagsikan laban sa Espanya, nakitang muli ni Paciano ang kaniyang sarili na muling nagtatangan ng sandata, sa pagkakataong ito hindi para matamo ang kalayaan, kung hindi sa mas malaking suliranin - ang preserbasyon ng kalayaan, na noon ay buong dahas na inaagaw ng mga Amerikano. Malakas ang bagong mananakop at sa proseso ng digmaan nadakip si Paciano, ngunit ang kaniyang katapatan sa kalayaang kaniyang ipinakipaglaban ay naipamalas niya ng tumanggi siyang maglingkod sa ilalim ng pamahalaan ng Amerika at pagpapakita ng delicadesa ng kaniyang tanggihan ang pensiyon na inaalok ng mga ito sa kaniyang mga matatandang magulang.

Ang Dakilang Filipino

Sa paglalagom ng artikulong ito, wala akong pangimi na angkinin na sa panahon ng sentenaryo ng kamartiran ni Jose Rizal ay hindi dapat na mawala sa ating paggunita ang nagawa ni Paciano. Kung tinitingala ng sambayanang Filipino si Jose Rizal sa pedestal ng mga bayani ito ay dahilan sa pagpaparaya ni Paciano ng kaniyang balikat upang magsilbing tuntungan para sa kadakilaan ng kaniyang nakababatang kapatid.

Si Jose Rizal mismo, sa kaniyang sulat kay Blumentritt ang nagbigay ng pinakamataas na parangal kay Paciano ng kaniyang sabihin dito na "Ang aking kapatid na si Paciano, ang pinakadakilang Filipino."

Mga Sanggunian:

"Ang lahat ay hiniram ng may akda, mula sa mga aklat sanggunian, ang tangi ko lamang maangkin ay ang mga kahinaan at kamalian.

1. Corpuz, Onofre D.: Roots of the Filipino Nation
2. Guerrero, Leon Ma.: The First Filipino
3. Guevara, Antonino y Mendoza: History of One the Initiators of the Filipino Revolution.
Isinalin ni Onofre D. Corpuz
4. Juaquin, Nick: Manila, My Manila
5. Mendez, Paz Policarpio: Adventure in Rizaliana
6. NHI: _Filipinos in History Volume II

Readers who read this page, also read:




Bookmark and Share My Zimbio http://www.wikio.com

0 comments: